Aprubado na ng House Committee on Appropriations ang budget breakdown ng mahigit 1.161 billion pesos para sa mga biktima ng dengvaxia vaccine.
Ito’y matapos iprisinta ng Department of Health sa komite na pinamumunuan ni Davao Rep. Karlo Alexei Nograles ang budget summary na ni-refund ng Sanofi Pasteur mula sa unused vials ng dengue vaccine na dengvaxia.
Gagamitin umano ng Department of Health ang mahigit 945 million pesos sa medical assistance program para sa dengvaxia vaccinees.
Mahigit 148 million pesos naman para sa public health management kung saan ay hahatiin ito para sa assessment and monitoring of dengvaxia vaccinees na popondohan ng mahigit 78 million pesos.
Dagdag pa rito ang supplies and medicine na may alokasyon na 70 million pesos habang mapupunta naman sa Human Resource for Health Deployment ang mahigit 67 million pesos.
Hiniling din ng DOH sa komite na payagan silang magamit ang matitirang pondo mula sa nasabing refund kahit lagpas na sa 2019 sa halip na isoli ito sa national treasury upang lalong matulungan pa ang mga biktima.
Una rito, nais ng komite na ituon ng DOH sa pagbibigay ng medical assistance sa mga biktima ng dengvaxia ang nasabing pondo sa halip na gamitin sa anti-dengue kit na nagkakahalaga ng 200 million pesos.
Kaugnay nito, nagbabala sa publiko si Davao representative at house committee on appropriations Chairman Karlo Nograles ukol sa mga pekeng dengvaxia cards
Sa isinagawang pagdinig ng komite, sinabi ng Department of Health na maging ang iniisyu nilang dengvaxia cards ay pinepeke na rin.
Ang dengvaxia cards ay magsisilbing identification cards ng mga nabakunahan ng dengvaxia at ito ang kanilang ipiprisinta sa mga ospital sakaling magkaroon ng anomang uri ng sakit.
Ayon pa kay Nograles, dapat maging alerto ang publiko sa posibleng pagkalat ng mga pekeng dengvaxia cards na maaaring makapagpalala sa sitwasyon ng mga lehitimong dengvaxia vaccinees