Isinasagawa sa unang pagkakataon ng EBC Films ang isang film making and acting workshop na may titulong ‘Make It Reel’.
Ito ay upang bigyan ng pagkakataon ang mga baguhang filmmakers na malinang pa ang kanilang kakayahan gayundin ang mga kababayan nating may talento sa pag-arte.
Ayon sa award winning director na si Carlo Ortega Cuevas, isang karangalan umano at masaya siya na naibabahagi niya sa iba ang kaniyang mga natututunan at mga kaalaman sa industriyang kanyang ginagalawan.
Ilan sa mga nagsilbing guest speakers sa film making workshop ay sina Direk Miko Livelo at Jet Leyco.
Samantala ang aktor naman na si Richard M. Quan sa acting workshop.
Isa ang film making and acting workshop ‘Make It Reel’ sa mga aktibidad na inilulunsad ng Eagle Broadcasting Corporation sa pangunguna ng EBC Films upang maipalaganap ang adbokasiya ng himpilan.
Ang makagawa at makapag-produce ng mga pelikulang makabuluhan at tunay na pakikinabangan ng mga makakapanuod ng mga ito.
Natapos na ang unang dalawang araw ng ‘Make It Reel’ film workshop nang nakaraang linggo, susundan pa ang iba pang programa nito sa Feb. 22, 23, 28, 29 at magtatapos sa March 8.
Samantala nagpaabot din ng pasasalamat ang Eagle Broadcasting Corporation sa Film Development Council of the Philippines dahil sa pagkilalang iginawad nito sa pelikulang ‘Guerrero’ ng EBC Films sa ginanap na Film Ambassadors Night kamakailan lamang .
Sinabi ni EBC President Rowena Dela Fuente-Deimoy, mas lalo pang nagbibigay ito ng inspirasyon ang mga natatanggap na pagkilala upang gumawa pa ng mga pelikulang may kalidad at tunay na kapaki-pakinabang. Marami pa umanong nakalatag na aktibidad ang EBC Films sa taong ito.