Kasado na ang serye ng mga programa at aktibidad para sa National Arts Month sa Pebrero na may temang “Ani ng Sining.”
Ayon sa National Commission for Culture and the Arts, magsasagawa sila ng mga exhibits, workshops, shows, concerts, lectures, tours at iba pa sa pitong sangay ng sining na arkitektura, pelikula, sayaw, panitikan, musika, dramatic arts at visual arts.
Gaganapin sa ibat-ibang bahagi ng bansa ang mga aktibidad para ipagdiwang ang Buwan ng mga Sining sa Pebrero.
Naniniwala ang NCCA na dapat maging inclusive ang sining at dapat ay maranasan at malahukan ng lahat ng mga Pilipino na nilalayon ng National Arts Month
Ilan sa mga pwedeng abangan ng mga Pinoy ang cinema rehiyon film festival sa Naga City, ang traveling dance concert series na “Sayaw Pinoy,” Musikapuluan sa Dumaguete City at Dipolog City, at Transart Lokal para sa Visual Arts sa Ormoc City, Leyte.
Umaasa naman si NCCA Chairman Nick Lizaso na ang National Arts Month 2020 ay maging hudyat para lalong maipakilala sa mga tao ang mga natatangi at mayamang sining na mayroon ang iba-ibang rehiyon ng bansa.
Samantala ipinakilala rin ng komisyon ang bagong arts ambassador nito na si Miss Universe 2018 Catriona Gray.
Hinangaan ng NCCA si Gray dahil sa paggamit nito sa mga indigeneous textiles at materials sa kanyang mga costume sa Miss Universe pageant bukod pa sa iba pang adbokasiya nito.
Umaasa naman si Gray na maging kasangkapan siya para mapakilala lalo na sa mga kabataan ang sining at kultura ng pilipinas na tunay na maipagmamalaki sa buong mundo.
Mananatili namang Music Ambassador ng NCCA para sa ikalawang taon si Asia’s Soul Supreme KZ Tandingan habang napili namang bagong Music Ambassador si Asia’s Pop Diva Julie Anne San Jose.